Sisimulan ngayong Lunes, August 27 ang pag-imprenta sa mga balota para sa magaganap na Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Marawi City sa September 22.
Ito ang inanunsyo mismo ni Commission on Elections (COMELEC) spokesperson James Jimenez.
Ayon kay Jimenez, umaasa silang matatapos ang pag-imprenta sa halos 80,000 balota sa National Printing Office sa Quezon City sa Sabado, September 1.
Sinabi ng opisyal na 79,289 ang kabuuang bilang ng balota kung saan ang 53,009 ay para sa barangay elections habang 26,280 naman ang sa SK.
Magkakaroon ng special polling centers sa 24 na barangay na sakop ng ground zero dahil hindi pa maaaring bumalik ang mga residente sa nasabing lugar.
Ang listahan ng mga apektadong barangay ay ilalabas ng COMELEC sa unang linggo ng Setyembre.
Matatandaang ipinagpaliban ng Barangay at SK elections sa Marawi dahil sa kalagayan ng lungsod matapos ang bakbakan ng gobyerno at ng ISIS inspired Maute Terror Group.