Pope Francis, nakapulong ang mga biktima ng sexual abuse ng kaparian sa Ireland

By Rhommel Balasbas August 26, 2018 - 05:22 AM

Bumisita si Pope Francis sa Ireland na kauna-unahang papal visit sa Katolikong bansa matapos ang halos apat na dekada.

Kasabay ng World Meeting of Families ay pinulong ng Santo Papa ang mga biktima ng sexual abuse ng kaparian sa sa naturang bansa.

Ayon sa Vatican, tumagal ang pulong kasama ang mga sexual abuse victims ng 90 minuto.

Isa sa mga humarap kay Pope Francis ay si Marie Collins, isa sa mga biktima ng pang-aabuso na naging kritiko mismo ng Santo Papa at ng Vatican.

Sa kanyang talumpati, iginiit ng Santo Papa na hindi niya maaaring palampasin ang pang-aabuso ng ilang mga miyembro ng kaparian sa mga kabataan.

Nahihiya anya siya sa kabiguan ng Simbahang Katolika na mabilis na matugunan ang kalapastangan ng ilang mga pari.

Ipinahayag din ng Santo Papa ang kanyang ‘commitment’ na wakasan ang kamaliang ito sa Simbahan.

Sa St. Mary’s Pro Cathedral sa Dublin ay tahimik na nananalangin ang Santo Papa sa harap ng isang kandila na gumugunita sa mga biktima ng pang-aabuso.

Ang pagbisita ni ni Pope Francis sa Ireland ay magtatapos sa pamamagitan ng isang Papal Mass sa Phoenix Park ngayong Linggo.

Inaasahang dadalo rito ang nasa 500,000 katao.

Nakatakdang bumalik sa Roma ang Santo Papa Linggo ng gabi.

TAGS: Papal Visit, Pope Francis in Ireland, Papal Visit, Pope Francis in Ireland

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.