Pinoy boxer tumba sa kalabang Iraqi sa Asian Games
Nagpapatuloy ang hindi magandang kapalaran ng Filipino boxers sa 2018 Asian Games sa Indonesia.
Ito ay matapos matalo via knock out ang Pinoy boxer na si Mario Fernandez ng kanyang kalaban na si Abdulridha Ali Al Sudani ng Iraq sa bantamweight division.
Nangunguna sana ang 25-anyos si Fernandez sa scorecards ng mga judges sa unang dalawang rounds ng laban.
Gayunman, ilang segundo bago matapos ang ikatlo at huling round ay napabagsak siya ng Iraqi.
Sinubukan pang tumayo ng Pinoy athlete ngunit hirap ito dahilan para ipahinto ng referee ang laban pabor kay Abdulridha.
Nagwagi ng bronze medal si Fernandez sa 2014 Incheon Asian Games.
Una nang nabigo ang mga Pinoy boxers na sina Nesthy Petecio at Joel Bacho dahil sa kontrobersyal na mga split decisions pabor sa mga boxers mula China at Iran.
Samantala, sa ngayon ay pang-23 ang Pilipinas sa ranking ng 2018 Asian Games.
Mayroong isang ginto ay pitong bronze medals ang Pilipinas.
Naiuwi ni Danny Caluag ang ikapitong bronze medal ng bansa sa men’s BMX competition.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.