Pangangalaga sa airline passengers tiniyak ng CAB

MIAA photo

Pinulong ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang mga kinatawan ng iba’t ibang mga airline companies kaugnay sa pagbaha ng mga reklamo sa naganap na runway closure sa Ninoy Aquino International Airport noong nakaraang linggo.

Sinabi ni CAB officer-in-charge Wyrlo Samodio na isa sa mga pinag-usapan ay ang posibleng amyenda sa air passengers’ bill of rights.

Hindi umano maitatanggi na may ilang mga kumpanya ng eroplano ang nagpabaya sa pagbibigay ng ayuda sa kanilang mga pasahero.

Ipinaliwanag ng opisyal na marami sa mga pasaherong stranded ang hindi nabigyan ng mabilis na ayuda.

May mga reklamo rin silang tinanggap na hindi man lang nakipag-usap sa kanila kaagad ang mga kinatawan ng ilang airline companies kaugnay sa pagsasara ng NAIA runway.

Nauna dito ay kumalat sa social media na maraming mga pasahero ang hindi nabigyan ng pagkain at inumin habang sila ay stranded sa NAIA.

Maguguniang umabot sa 36 na oras ang pagsasara ng runway sa NAIA makaraang mag-overshoot ang isang eroplano ng Xiamen Air.

Nauna nang sinabi naturang airline company na magbibigay sila ng mabilis na ayuda para sa mga pasaherong naapektuhan ng nasabing temporary closure.

 

Read more...