Pulse Asia, itinangging may kumontrata sa kanila para magpasurvey

PARI LOGO

Sariling inisyatiba ng Pulse Asia ang pinakahuling Presidential Survey na ginawa noong May 30 hanggang June 5, 2015.

Sinabi ni Pulse Asia President Ronald Holmes na walang nag-komisyon sa kanila o umupa na grupo para magsagawa ng survey.

Bahagi aniya ito ng kanilang quarterly survey na ginagawa tuwing ikatlong buwan.

Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Prof. Holmes, napansin nito ang pagbabago sa voter’s preference ng maraming “kandidato” partikular sa dalawang nangunguna na sina Senator Grace Poe at Vice Pres. Jejomar Binay.

Umangat si Poe ng 16 percentage points o 30% noong Hunyo mula sa 14 % noong March.

Bumaba naman ng 7 percentage points si VP Binay o 22 percent mula sa 29 percent noong Marso.

“…Inilagay din namin sa konteksto ‘yung mga balita bago isagawa ang survey. Maraming mga balita, una tungkol sa pagpupulong ni Sen. Poe at ng Pangulo.  Pangalawa yung mga alegasyon kay Bise Presidente Binay, yung pagtataya na maaaring kandidato ng LP si Secretary (Mar) Roxas.”

Dagdag pa ni Holmes na mahalagang bantayan ng mga Presidentiables o yung sumasandal sa survey ang voter’s preference sa Class D dahil ito aniya ang socio-economic class ng karamihan ng mga botante.

“The biggest chunk of the voting population is in Class D. A significant change in terms of preference there would definitely impact in terms of the level of national support.”

Samantala, hindi naman kumbinsido ang Political Analyst na si Ramon Casiple sa metodolohiya na ginagamit ng Pulse Asia.

Paniwala ng Casiple,  hindi pa ito ang panahon para pagtuunan ng pansin ng mga botante at maging ng mga nag-aambisyon sa 2016 ang mga survey.

Sinabi ni Casiple sa Radyo Inquirer na maaari lamang magdulot ng kalituhan ang survey results dahil sa magkakaibang figures o numero.

“Hindi man problema kundi sitwasyon ng Pulse Asia, napakaliit nung sampling, 300 lang ‘yan  kaya yung margin of error tataas talaga. 1,200 kasi for the whole Philippines.”

“Kung gagamitin natin ang yardstick ng comparison sa mga lumabas na survey …ako naguguluhan na e. Ang lalayo nung mga results.”

Bukod dito, kinokonsidera din ni Casiple ang uri ng pagtatanong ng mga survey firm bagamat kumbinsido siya na trending na ang pag-angat ni Poe sa ibang mga 2016 hopefuls. / Jimmy Tamayo

 

 

Read more...