MRT nagpaliwanag sa overstaying fee sa mga pasahero

Nilinaw ng Metro Rail Transit line-3 (MRT-3) na ang overstaying fee ay para lamang sa mga nanatili sa istasyon ng tren na lumampas ng dalawang oras.

Ang paglilinaw ay kasunod ng social media post ng pasaherong si Miriam Cabiles na siningil siya ng P28 pesos dahil overstaying siya sa istasyon ng tren.

Base sa post ni Cabiles, pumasok siya sa Cubao Station ng 7:15 ng umaga at lumabas sa Buendia station ng 9:15.

Nahirapan umano siyang makasakay ng tren sa Cubao dahil sa dami ng tao sa loob ng tren kaya inabot siya ng dalawang oras bago makasakay at makarating sa kanyang destinasyon.

Ayon sa MRT management patuloy pa ang imbestigasyon sa naturang reklamo. Nais malaman umano ng management kung bakit hindi nakasakay ng tren si Cabiles sa kabila ng pagkakaroon ng 10 regular at 2 skipping trains na tumigil sa Cubao station sa panahon na nasa loob siya ng sinasabing bayad na lugar.

Sinimulan ang imbestigasyon noong Huwebes kasama na ang pagrereview ng CCTV recordings at iba pang impormasyong may kaugnayan sa operasyon ng tren mula sa MRT-3 Control Center.

Paalala ng MRT na pinapayagan lamang na manatili ang mga pasahero ng MRT-3 sa loob ng istasyon sa loob ng 2 oras lamang.

Ito umano ay standard railway operating procedure para sa seguridad ng mga pasahero at upang maiwasan ang pagbalik ng mga pasahero.

Ipinatupad ngayong taon ang implementasyon ng maximum 2 hours staying period sa loob ng mga istasyon ng tren ng MRT-3 na mula sa 1 oras at 40 minuto noong 2012.

Read more...