Pagharang nina Rep. Andaya at Janet Napoles sa Malampaya fund scam hearing, ibinasura ng Sandiganbayan
Tuloy ang paglitis ng Sandiganbayan Special 3rd division laban kay House Majority Leader Rolando Andaya Jr., dating Agrarian Reform Sec. Nasser Pangandaman Jr., at Janet Lim Napoles kaugnay sa P900 million Malampaya fund scam.
Ito’y dahil ibinasura ng korte ang Omnibus Motion for Bills of Particulars and Defer Arraignment, na inihain ni Andaya.
Maliban dito, tinanggihan na rin ng anti-graft court ang Motion to Quash nina Napoles at Pangandaman.
Nahaharap sa 97-counts ng kasong katiwalian at Malversation thru Falsification of documents sina Andaya, Pangandaman, Napoles at dalawampu’t dalawang iba pa, kaugnay sa Malampaya fund scam.
Batay sa prosekusyon, ilegal na inilipat ng mga nabanggit sa labing dalawang bogus NGOs ni Napoles ang P900 million na pondo ng Malampaya, na laan dapat sa Department of Agrarian Reform para sa ibang proyekto.
Gagamitin sana ang budget sa relief operations at rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng Bagyong Ondoy at Pepeng.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.