Impeachment complaint laban sa 7 SC justices, hindi uusad ayon kay Solgen Calida
“Will not see the light of day.”
‘Yan ang kumpiyansa pahayag ni Solicitor General Jose Calida kaugnay sa impeachment complaint laban sa pitong mahistrado ng Korte Suprema na bumotong pabor sa pagpapatalsik kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ang mga nahaharap sa reklamo ay sina Associate Justices Teresita Leonardo-de Castro, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Francis Jardeleza, Noel Tijam, Andres Reyes Jr at Alexander Gesmundo.
Sa isang statement, sinabi ni Calida na paghihiganti lamang ang impeachment complaint ng Magnificent 7 laban sa 7 mahistrado.
Binigyang-diin ni Calida na ang Supreme Court sa pamamagitan ng mga mahistrado nito ay may mandato bilang “final arbiter” ng mga isyung-Konstitusyonal at interpreter ng fundamental law.
Nang bumoto aniya ang mga Associate Justice, gaya sa Quo Warranto petition na inihain ng SolGen batay sa interpretasyon nila sa Saligang Batas, malinaw na ginagawa lamang nila ang kanilang constitutional duty.
Dahil dito, ani Calida, hindi maituturing na gumawa ang mga mahistrado ng “culpable violation of the Constitution.”
Bwelta pa ni Calida, kung susundin daw ang logic ng mga Magnificent 7 ng Kamara, tiyak na maiimpeach ang mga mahistrado dahil iba ang interpretasyon nila sa batas, at hindi rin daw ligtas ang mga nag-dissent.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.