2 sama ng panahon, Habagat, nakakaapekto sa bansa – PAGASA
Bukod sa hanging Habagat ay dalawang sama ng panahon ang binabantayan ng PAGASA sa kasalukuyan.
Sa 4am weather advisory ng PAGASA, huling namataan ang Bagyong Luis sa layong 430 kilometro Hilaga Hilagang-Kanluran ng Basco, Batanes.
Sa ngayon ay taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 40 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kilometro kada oras.
Kumikilos ito sa bilis na 20 kilometro kada oras sa direksyong Hilaga Hilagang-Kanluran at posibleng bukas, araw ng Sabado ay posibleng lumabas na ng northern boundary ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Samantala, patuloy ding binabantayan ang low pressure area (LPA) sa Silangan ng Basco, Batanes na posibleng maging bagyo sa loob ng 24 hanggang 48 oras.
Patuloy na nakakaapekto ang Habagat at magpapaulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region (CAR), Batanes, Babuyan Group of Islands, Zambales at Bataan.
Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon naman ay maalinsangan ang panahon maliban na lamang sa mga dagliang pulo-pulong pag-uulan lalo na sa hapon o gabi.
Maalinsangan din ang panahon sa buong Visayas at Mindanao liban na lamang din sa mga pag-ulang dulot ng localized thunderstorms.
Mapanganib ang paglalayag sa paligid ng Hilagang Luzon, kanluran at gitnang bahagi ng Gitnang Luzon dahil sa nakataas na gale warning.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.