12 kumpanya nag-aagawan sa third telco slot

Limang local at pitong foreign firms ang interesado na pasukin ang telecommunications sector ng bansa ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT).

Ito ay upang wakasan na ang duopoly ng Globe Telecom Inc., at PLDT Inc. upang mapaganda ang serbisyo at mas maging abot-kaya ang internet sa bansa.

Ayon kay Acting DICT Secretary Eliseo Rio Jr., ang local companies na nais maging third telco ay ang Converge, Now, PT&T, Transpacific-Broadband at TiereOne.

Ang mga foreign firms naman ay China Telecom, LG U+, KT Corp., Telenor, Vietnam Telecom o Viettel, KDDI Corp. ng Japan at AT&T ng US.

Gayunman, maaga pa anyang sabihin kung ang mga kumpanya ngang ito ay sasali sa bidding.

Makukumpirma lamang ito ay kung magpapasa na ang mga kumpanya ng mga bidding documents.

Bagaman maraming foreign companies ay kailangan muna ng mga itong sumailalim sa joint-venture sa mga lokal na kumpanya upang payagang makapagnegosyo sa bansa.

Ito ay dahil sa itinatakda ng Saligang Batas sa foreign ownership ng mga kumpanya.

Samantala, target ng DICT na mapangalanan ang third telco player bago magtapos ang taon o posibleng sa Setyembre o Oktubre na.

Read more...