Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko na walang maiiwang lugar sa isinusulong na federalismo.
Sa pulong na ginanap kasama ang ilang mga opisyal ng Sulu at ilang stakeholders ay sinabi ng pangulo na iiral ang pagkakapantay-pantay sa ilalim ng federal government.
Ito ay sa kabila ng mga pangamba na maaaring magdulot ng hindi pantay na distribusyon ng kapangyarihan sa mga lokal na pamahalaan ang isinusulong na uri ng gobyerno.
Sinabi pa ng presidente na patuloy niyang pag-aaralan ang federalismo at ipaprayoridad ang mga interes ng bansa.
Bukod sa bentahe ng federalismo ay nangako rin ang pangulo na sisikaping matamo ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.
Samantala, bago ang meeting sa mga opisyal ng Sulu ay nakapulong din ng pangulo si Moro National Liberation Front (MNLF) Chair Nur Misuari.
Gayunman ay wala pa ring inilalabas na impormasyon ang palasyo tungkol sa napag-usapan ng dalawa.