Inulit nina Senador Bam Aquino at Senador Win Gatchalian ang kanilang panawagan kay National Food Authority (NFA) administrator Jason Aquino na mag-resign dahil sa kabiguan nito na matupad ang pangakong mabibigyan solusyon ang mga isyu sa bigas.
Ayon kay Aquino, dapat tamaan naman ng hiya ng namumuno sa NFA kasabay pagkuwestiyon sa hindi pagbaba ng presyo ng bigas gayundin ang suplay ng pambansang butil.
Ipinunto niya ang sitwasyon sa Zamboanga City kung saan nakararanas ng kakulangan ng bigas na ang presyo ay umabot na sa P68 at ang pinakamura naman ay P55.
Hinanap ng senador ang iniangkat na kalahating milyong metriko tonelada na bigas mula sa Thailand at Vietnam at pangamba niya ay bumagsak ang mga imported rice sa mga mapagsamantalang negosyante.
Samantala, nais naman ni Gatchalian na tuluyan ng lusawin ang NFA dahil sa tila inutil na ang ahensiya na magampanan ang mandato nito.
Ibinahagi nito na ang patuloy na pagbagsak ng kita ng NFA nitong nakalipas na dalawang taon at ang paglobo ng pagkalugi nito sa P150 bilyon.
Binanggit pa ni Gatchalian na ang NFA, sa hanay ng mga government owned and controlled corporations, ang nakakatanggap ng pinakamalaking subsidiya mula sa gobyerno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.