Sa isang statement, pinayuhan ni DSWD Secretary Virgina Orogo ang mga tao na mag-ingat at maging mapagmatyag laban sa mga indibidwal na nagpapanggap na emplyedo o opisyal ng kagawaran.
Ayon kay Orogo, maaaring isumbong sa kanilang ahensya ang anumang insidente ng panloloko upang magawan ng karampatang aksyon.
Giit ng kalihim, hindi hahayaaan ng DSWD ang mga impostor na gamitin ang ahensya upang makapanlamang ng iba.
Kamakailan, naglabas ng babala ang DSWD-Bicol Region kaugnay sa isang scammer na nagpakilala bilang si DSWD Field Office 5 Regional Director Arnel Garcia.
Ang suspek ay humingi umano ng pera, cellphone loan, hotel accommodations at catering services, sa ilalim ng pangalan ni Garcia.
Gayunman, nilinaw ni Garcia na wala siyang hinihinging anumang pabor at sinabing biktima siya ng isang impostor.
Bukod dito, marami ring kaso kung saan may text messages na nababanggit ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na nagpapa-raffle daw.
Ayon sa DSWD, wala silang pa-raffle sa ilalim ng 4Ps kaya kung makatanggap ng naturang text message ay agad na i-report sa kanilang kagawaran o kaya sa National Telecommunications Commission (NTC).