Mahal na presyo ng bigas sa Zamboanga pinaiimbestigahan
Nais paimbestigahan ni House Appropriations Committee Chairperson Davao City Karlo Nograles sa National Food Authority (NFA) ang pagsirit ng presyo ng bigas sa Zamboanga peninsula.
Ayon kay Nograles, kailangang matukoy agad kung may iligal na nangyayari sa kalakalan ng bigas sa lungsod ng Zamboanga para maagapan ito ng gobyerno.
Posible anyang may nangyayaring manipulasyon sa panig ng mga rice traders doon.
Marami na siyang natatanggap na reklamo na nagho-hoard ng bigas ang mga rice trader kaya lalong napapataas ng mga ito ang presyo.
Pinakilos na din ni Nograles ang NFA para magpalabas ng suplay ng bigas sa Zamboanga City para magkaroon ng alternatibo at murang bigas para sa residente ng lungsod.
Base sa mga ulat na nakakarating sa tanggapan ni Nograles, P55 hanggang P60 per kilo ang bigas sa Dipolog, Zamboanga Del Norte; Pagadian, Zamboanga Del Sur at Ipil, Zamboanga Del Sur habang P60 hanggang P68 per kilo naman sa Zamboanga City.
Mas malala naman umano ang sitwasyon sa Basilan dahil P60 hanggang P70 ang kada kilo doon ng bigas ngayon.
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority ang karaniwang tinging presyo ng regular milled rice kada kilo ay P42.26 samantalang ang karaniwang presyo ng well-milled rice ay nasa P45.71 kada kilo, P27 pesos lang kada kilo ng NFA rice at ito ang pinakamurang uri ng bigas sa mga pamilihan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.