Turn-over ng 72.2% ng UCPB shares sa pamahalaan iniutos ng Sandiganbayan
Kinatigan ng Sandiganbayan Second Division ang Motion of Execution ng Pamahalaan para kaagad na mai-turnover sa gobyerno ang 72.2% shares ng United Coconut Planters Bank (UCPB).
Sa resolution na may petsang October 23 2015, ipinag-utos ng Anti-Graft Court ang kaagad na paglalabas ng writ of execution pabor sa pamahalaan.
Inutusan din ng Sandiganbayan ang kampo ng negosyanteng si Danding Cojuangco at Philippine Coconut Authority (PCA) na kaagad na sumunod sa utos ng hukuman na isuko sa pamahalaan ang lahat ng mga kinakailangang dokumento para sa mabilis na review sa kabuuang shares ng naturang bangko.
Noong nakalipas na buwan ng Hunyo ay naghain ang Office of the Solicitor General at Presidential Commission on Good Government (PCGG) ng writ of execution kung saan ay kanilang hinihiling na kaagad na mailipat sa pamahalaan ang kontrol sa 72.2% ng UCPB.
Ibinase ang nasabing mosyon sa naunang desisyon ng Supreme Court noong November 27 2012 kung saan nakasaad dito na ang pamahalaan ang siyang tunay na may-ari ng nasabing sapi o shares ng naturang bangko.
Nakapaloob din sa nasabing kautusan na ang lahat ng mababawing salapi at ari-arian ay dapat gamitin para sa kapakinabangan ng mga coconut farmers at pagpapa-unlad ng coconut industry sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.