Naniniwala ang Palasyo ng Malacañan na marapat lamang na imbestigahan ang naging pahayag ni dating Naga City Councilor Luis Ortega na sangkot sa iligal na droga ang kapatid ng namayapang si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, isang bagong development ang pahayag ni Ortega na kinakailangan na tutukan ng mga awtoridad.
Una rito, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hotbed ng shabu ang Naga City na kilalang balwarte ng mga Robredo.
Ayon kay Roque, mahalaga na malaman ng taumbayan ang katotohanan dahil naninilbihan din sa bayan ang asawa ni Robredo na si Vice President Leni Robredo.
Dapat aniya malaman ng taumbayan kung anong mga hakbang ang ginawa ni VP Robredo para maipatupad ang batas sa sarili niyang siyudad.
“So kaya nga importante pong malaman natin ang katotohanan dito, dahil naninilbihan din sa bayan ang ating Bise Presidente at kung may mga ganitong pangyayari, eh dapat malaman natin anong mga hakbang na ginawa ni Bise Presidente, para mapatupad ang batas sa sarili niyang siyudad at sa sarili niyang mga kapamilya,” ani Roque.