Pinaghihinay-hinay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga adik na pulis at tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Talisay City sa Cebu dahil tiyak na mauubos lamang sila.
Sa talumpati kagabi ng pangulo sa harap ng mga kasapi ng League of the Municipalities of the Philippines sa Cebu City, ibinunyag nito na sangkot sa droga ang ilang pulis sa Talisay City pati na ang ilang PDEA agent sa lugar.
Binigyang-diin ng pangulo na ilang PNP personnel at ahente ng PDEA pa mismo ang nasa likod ng operasyon ng drug trade sa nasabing lungsod sa Cebu.
Sa ngayon ay pwede pang mag-enjoy ang mga alagad na batas na sabit sa illegal drugs pero mauubos rin umano ang kanilang swerte ayon sa pangulo.
Nakatikim rin ng mga mura mula sa pangulo ang mga kasapi ng PNP at PDEA sa lugar.
May impormasyon rin ang pangulo na maluluho ang pamumuhay ng mga opisyal na protektor ng iligal na droga pero hindi na umano magtatagal at aanihin rin nila ang kampanya ng pamahalaan laban sa droga.