Imported na galunggong sa Setyembre pa darating ng bansa

By Donabelle Dominguez-Cargullo August 22, 2018 - 08:50 AM

Kuha ni Jong Manlapaz

Sa unang linggo pa ng buwan ng Setyembre posibleng dumating sa bansa ang unang shipment ng imported na galunggong.

Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Department of Agriculture (DA) Sec. Manny Piñol na tatlong bansa ang posibleng pagmulan ng imported na galunggong, ang China, Vietnam, at Taiwan.

Kapwa aniya zero tariff kapag galing sa Vietnam at China habang mayroon namang 5 percent tariff kapag galing Taiwan.

Inaasahang makatutulong ang pag-aangkat ng galunggong sa patuloy na pagtaas ng presyo ng naturang isda sa mga pamilihan.

Sa ngayon kasi umaabot na sa P140 hanggang P170 ang presyo ng kada kilo ng galunggong.

“Tatlo ang pinanggalingan ng imported na galunggong, una Vietnam, China and then Taiwan. Ang Vietnam at China zero tariff ‘yan, ang Taiwan naman, 5% tariff. Ibig sabihin singko porsyento na taripa ang ipapataw. ‘Yung suggestions kasi ng ating mga econimic manager na tanggalin ang tariff, ano pang tatanggalin natin eh zero tariff na nga,” ani Piñol.

Samantala, sinabi ni Piñol na maari namang idaan sa pagsusuri ang mga galunggong na magmumula sa ibang mga bansa.

Ito ay para matiyak na hindi kontaminado at ligtas kainin ang mga imported na isda.

“Does it really matter where the fish would come from? For as long as hindi illegal ang fishing method na gagamitin sa paghuli ng isda. We can always come up with a testing procedure as part of ating sanitary requirement. We can do that bago i-ship yung mga galunggong we can conduct a test doon sa pinanggalingan para malaman natin at we will be able to reassure our consumers na hindi peligroso sa kanilang katawan ang isda,” dagdag pa ni Piñol.

Ginawa ni Piñol ang pahayag kasunod ng mga pangamba na baka kontaminado ng formalin ang galunggong kung manggagaling ito sa China.

TAGS: Department of Agriculture, fish, Galunggong, Radyo Inquirer, Department of Agriculture, fish, Galunggong, Radyo Inquirer

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.