Ayon sa 4am weather advisory ng PAGASA, ngayong araw, patuloy na makakaapekto ang hanging Habagat sa western section ng Luzon.
Makararanas ng maulap na kalangitan, na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Batanes at Babuyan Group of Islands, Ilocos Region at Cordillera Administrative Region.
Sa Metro Manila naman at nalalabing bahagi ng Luzon ay bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan ang mararanasan na may posibilidad lamang ng mga pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.
Magandang panahon naman ang mararanasan sa kabuuan ng Visayas at Mindanao na makararanas lang ng mga pag-ulan dulot din ng localized thunderstorms.
Samantala, patuloy pa ding binabantayan ng PAGASA ang dalawang bagyo sa labas ng Philippine Area of Responsbility (PAR).
Ang Typhoon Soulik ay huling namataan sa Hilaga-Hilagang-Silangan ng Extreme Northern Luzon habang ang Typhoon Cimaron ay huling namataan sa Silangan-Hilagang-Silangan ng Extreme Northern Luzon.
Parehong hindi na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility ang dalawang bagyo.
Nakataas ang gale warning sa mga karagatan ng Batanes, Babuyan, Northern Coast ng Cagayan at Ilocos Norte.