Pitong armadong miyembro umano ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang napatay ng militar sa dalawang araw na opensiba sa Maguindanao.
Ayon kay Captain Arvin John Encinas ng 6th Infantry Division, ang mga napatay na BIFF members ay narekober ng mga sundalo at residente sa Sitio Kabasalan, Barangay Darampua, Sultan sa bayan ng Barongis.
Naglunsad ng opensiba ang 601st Infantry Brigade ng Philippine Army ilang oras bago ang obserbasyon ng Eid’l Adha ng mga Muslim.
Ito ay matapos makumpirma ng militar ang presensya ng BIFF members sa ilalim ni Ismael Abubakar alias Commander Bungos sa lugar.
Nakita si Abubakar, isang Imam o Islamic preacher, kasama ang 50 armadong miyembro sa isang lugar sa Kabasalan na nasa bahagi ng Liguasan Marsh.
Si Abubakar ang umanoy lider ng 3 BIFF factions na nangako ng suporta sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
Samantala, sa isang phone interview ay sinabi ni Abu Misry Mama, tagapagsalita ng BIFF, ilan sa kanyang mga kasamahan ang nasa isang barangay sa Darampua, Sultan sa umpisa ng pag-atake ng militar.
Pero itinanggi nito na nasawi ang pito nilang miyembro dahil umalis na raw sila agad sa lugar dahil sa air strike ng mga sundalo.