Peter Lim hindi pa nakakalabas ng bansa – DOJ

Hindi pa nakakaalis ng Pilipinas ang hinihinalang bigtime drug lord na si Peter Lim ayon mismo sa Department of Justice (DOJ).

Sa text message na ipinadala sa mga mamamahayag, sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra, na batay sa records ng Bureau of Immigration, hindi pa nakakaalis ng bansa si Lim matapos ang kanyang huling biyahe noong Marso,

Tiniyak ni Guevarra na ginagawa ng pulisya, ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng iba pang concerned law enforcement agencies na maisilbi ang arrest warrant para kay Lim.

Umaasa anya ang mga ahensyang ito na madala si Lim sa korte bago ang kanyang arraignment sa August 28.

Sakaling hindi umano matapuan ay irereschedule ang kanyang arraignment ngunit hindi na kakailanganin ng bagong arrest warrant ayon pa sa kalihim.

Matatandaang pinaaaresto na ng Korte si Lim matapos madetermina na may probable cause para litisin ito kasama sina self-confessed drug lord Kerwin Espinosa, Marcelo Adorco at Ruel Malindangan sa kasong paglabag sa drug trade conspiracy provision ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Read more...