“Mahiya ka naman!”
Ito ang naging buwelta ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison matapos ihayag ng rebeldeng lider na comatose na ang punong ehekutiko.
Ayon sa pangulo, dapat na umalis na si Sison sa the Netherlands dahil inaabuso na nito ang hospitality ng bansa.
May cancer aniya si Sison at labas-masok na ng ospital at hindi nagbabayad ng hospital bill.
Ayon sa pangulo, dapat itigil na Sison ang pang-aabuso sa pera ng bayan ng Netherlands at lumipat na lamang sa ibang bansa gaya ng Belgium o Germany.
Sinabi pa ng pangulo, nais niyang magtungo sa the Netherlands matapos ang pagbisita sa Israel para personal na makipagkita kay Sison.
Ayon sa pangulo, hindi lalaki si Sison.
Isa na rin aniyang discredited leader si Sison at hindi na sinusunod ng mga rebelde.
Katunayan, sinabi ng pangulo na mayroon nang hidwaan ngayon si Sison at ang mag-asawang Wilma at Benito Tiamzon.
Kapag nagkataon aniya na nagkita sila ni Sison sa impyerno, kanya itong sasampalin.
Tiniyak pa ng pangulo na kailanman ay hindi mananalo si Sison sa kanyang pagrereblde laban sa pamahalaan.