CHED: Libreng tuition sa mga SUCs malapit nang makumpleto
Nilinaw ng Commission on Higher Education o CHED na “almost complete” na ang reimbursements ng libreng matrikula sa State Universities and Colleges o SUCs para sa taong 2017.
Ayon sa CHED, taliwas ito sa report ng Commission on Audit o COA na lumabas sa media na nagsasabing “very low” ang disbursements ng P8 Billion Free Tuition Fund sa SUCs.
Sa isang statement ni CHED officer-in-charge Prospero de Vera, sinabi nito na nareimburse na ang libreng matrikula sa halos lahat ng 112 SUCs sa buong bansa.
Dalawang SUCs lamang, ang Philippine Merchant Marine Academy o PMMA at Adiong Memorial Polytechnic State College o AMPSC, ang walang natanggap na reimbursements.
Paliwanag ni de Vera, ang PMMA ay may hiwalay na budget allocation para sa matrikula sa ilalim ng General Appropriations Act; habang ang AMPSC ay bigong magreport ng income sa kanilang Budget Expenditure and Sources of Financing o BESF noong 2017.
Dagdag pa nito, ang balanse ng P8 Billion Free Tuition Fund ay pinoproseso na para sa reimbursement sa summer o midterm ng academic year 2017-2018 claims ng SUCs.
Inamin naman ni de Vera na may delays, pero ito ay dahil daw sa pagkakaiba ng fiscal year at academic year.
Bagama’t ang pondo ay inilaan sa “fiscal year basis,” nirereimburse ito ng CHED sa SUCs sa “academic year basis.” Bukod dito, may special provision aniya sa 2017 GAA kung saan nakasaad na isa-prayoridad ang mga mahihirap pero “deserving students.” Bunsod nito, ang reimbursement claims ng komisyon ay “income-based ranking” sa hanay ng mga estudyante.
Pero nang maupo sa CHED, sinabi ni de Vera na inatasan niya ang komisyon na madaliin ang pagbabayad ng 1st semester reimbursements na natapos noong unang linggo ng February 2018, habang natapos na ng mayorya ng SUCs ang reimbursements noong 1st quarter ng taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.