Naging dikitan ang palitan ng iskor sa pagitan ng Pilipinas at China sa huling quarter ng paghaharap nila sa men’s basketball sa idinadaos na 2018 Asian Games sa Indonesia.
Sa simula pa lamang ng laban ay umarangkada na ng husto ang Chinese Team sa pangunguna ng kanilang mga NBA stars na sina Houston Rockets centre Zhou Qi at Dallas Mavericks forward Ding Yanyuhang.
Hindi naman nawalan ng loob ang Gilas Pilipinas sa pangunguna ng Fil-Am NBA Player na si Jordan Clarkson.
Nag-ambag rin ng tulong para sa depensa sina Raymund Almazan, Beau Belga at Christian Standhardinger.
Sa patuntong ng 4th quarter ay mas naging dikitan ang laban kung saan ay naabutan ng Gilas ang 12-puntos na lamang ng China.
Mas lalong ginanahan ang mga Pinoy ng ma-foul-out si Ding ilang minuto ang natitira sa laban.
Sa pamamagitan ng isang 3-pointer shot ay naitabla ni Paul Lee ang iskor at nagawa pang lumamang ng Pilipinas ng tatlong puntos sa tila ay hinihingal na mga Chinese cagers.
Pero sa mga huling Segundo ng laban ay nangibabaw ang husay ng mga higit na matatangkad na players at naipako ang iskor sa 80-82.
Sa huling limang minuto ng laban ay nagpakawala ng isang 3-point shot si Lee para sa Gilas pero hindi ito pumasok hanggang sa matapos na ang laban.
Sa kabila ng pagkatalo ng Gilas ay tumanggap naman sila ng malakas na palakpak mula sa mga Pinoy fans na nagsabing hindi biro ang kanilang ipinakitang determinasyon sa nasabing laban.