Sinisingil ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang Xiamen Air ng P15 Million para sa heavy equipment at mga tao na ginamit para maalis sa runway ang kanilang sumadsad na eroplano kamakailan.
Ipinaliwanag ni MIAA General Manager Ed Monreal na paunang estimate pa lamang ang nasabing halaga at posibleng madagdagan pa ito sa gagawing imbestigasyon ng mga otoridad.
Sinabi ni Monreal na P4 Million ang kanilang binayaran para sa crane na ginamit sa pag-angat sa eroplanong sumadsad sa runway.
Sisingilin rin ng MIAA ang Xiamen Air sa kitang nawala dahil sa pagkakasara ng ilang araw sa runway.
Ipinauubaya naman ng opisyal sa iba pang mga airline companies ang pagsingil sa nasabing Chinese carrier kaugnay sa mga nalugi sa kanila habang paralisado ang operasyon ng buong paliparan.
Nauna nang sinabi ng Xiamen Air na handa silang sumalang sa imbestigasyon at bayaran ang mga pananagutan kaugnay sa nasabing aksidente.