Misa para kay Ninoy at mga biktima ng EJK pinagsama
Nagsama-sama ang iba’t ibang personalidad at grupo sa isang misa ng pag-alala sa ika-tatlumpu’t limang taong anibersaryo ng kamatayan ni dating Senador Ninoy Aquino.
Alas-tres ng hapon nang mag-umpisa ang misa sa Sto. Domingo Church sa Quezon City na pinangunahan ng anak ni Ninoy na si dating Pangulong Noynoy Aquino.
Dumalo rin sa misa sina Vice President Leni Robredo, Senador Antonio Trillanes at mga pinuno at miyembro ng Liberal Party.
Maging ang mga dating cabinet members ng Aquino administration ay present gaya nina dating DSWD Sec. Dinky Soliman, dating DepEd Sec. Bro. Armin Luistro, dating CHR Sec. Etta Rosales at marami pang iba.
Napuno rin ng mga naka-kulay dilaw na supporters ni Ninoy ang Sto. Domingo Church.
Ayon sa organizer, ang misa ay laan para kay Ninoy maging sa mga biktima ng extra judicial killings o EJKs sa war on drugs.
Sa inilabas na statement ni VP Robredo para sa 35th death anniversary ni Ninoy, sinabi niya na kanyang ipinagdarasal makuha ng mga Filipino ang tapang na angkinin ang kalayaan na nakamtan ng bansa nang isakripisyo ni Ninoy ang kanyang buhay.
Sa ganitong paraan ay maisasabuhay ang hindi natitinag na tiwala sa atin bilang Pilipino ng yumaong dating senador.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.