Sa isang pahayag, sinabi ng DOTr na ang naturang department order ng DOE ay taliwas sa Clean Air Act na naisabatas pa noong 1999.
Sa ilalim ng nasabing batas ay dapat EURO-4 fuel na ang ginagamit ng mga passenger at commercial vehicles simula taong 2017.
Dagdag pa ng kagawaran, bagaman makatitipid ang mga motorista at consumer sa paggamit ng EURO-2 diesel ay hindi naman ito sasapat sa magiging impact nito sa kalusugan ng publiko, maging sa economic losses ng bansa bilang resulta ng polusyon.
Pagdidiin pa ng DOTr, hindi nila babawiin ang implementasyon ng Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program kung saan nakasaad na dapat EURO-4 compliant ang mga sasakyang tatakbo sa mga kalsada.
Samantala, bilang tugon ay nilinaw ni DOE Undersecretary Wimpy Furentebella na ang importation at pagbebenta ng EURO-2 diesel ay optional lamang para sa mga kumpanya ng langis.