Tulfo hindi hihingi ng sorry sa nag-viral na PGH video
Walang balak ang beteranong mamamahayag na si Ramon Tulfo na humingi ng paumanhin at alisin sa Facebook ang kanyang in-upload at nag-viral na video.
May kaugnayan ito sa isang anim na taong gulang na batang babae na kanilang dinala sa Philippine General Hospital noong August 15 para mabigyan ng atensyong medikal.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Tulfo na galing sila sa isang medical mission sa Navotas City at habang papauwi sila kasama ang convoy ni National Capital Regional Police Officer Dir. Guillermo Eleazar ay aksidenteng nabangga ng kanyang back-up vehicle ang nasabing bata.
Kaagad umano nilang isinakay sa kotse ang bata kasama ang nanay nito at kaagad na nagpunta sa PGH.
Pagdating sa emergency room ng pagamutan ay hindi kaagad nabigyan ng first aid ang bata dahilan para siya magtaas ng boses.
Ayon kay Tulfo, “Mas inuna pa ng mga duktor sa PGH ang pagsita sa pagkuha namin ng video bago ang pag-asikaso sa biktima”.
Nilinaw ni Tulfo na bahagi lamang ng kanilang pagdokumento sa mga pangyayari ang pagkuha ng video at wala silang balak na ipakita ito sa publiko.
Dahil sa pangyayari ay nabulabog umano ang buong E.R ng PGH na naka-apekto sa mga pasyente.
“Kung hihingi man ako ng paumanhin ay hindi para sa mga duktor o sa PGH kundi sa mga pasyente na naabala sa mga pangyayari”, dagdag pa ni Tulfo.
Binanggit rin ng mamamahayag na hindi niya aalisin ang video online dahil gusto niyang ipakita sa publiko ang tunay na sitwasyon ng mga pampublikong ospital tulad ng PGH.
Kaninang umaga ay naglabas ng statement ang liderato ng PGH kung saan ay humihingi sila ng public apology mula kay Tulfo kasabay ang panawagan na alisin nito ang video na naka-upload sa Facebook.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.