Mga pasahero ng Hong Kong Air, tatlong araw nang stranded sa NAIA

Photo credit: Borinaga & Elefante Family

Sa kabila ng pagbubukas ng runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Sabado (Aug 18.) ng tanghali, nanatiling stranded sa NAIA terminal 1 ang mga pasahero ng Hong Kong Airlines hanggang Linggo (Aug. 19) ng umaga.

August 17 alas 6:55 ng umaga ang orihinal na alis ng Hong Kong Air flight 702 mula NAIA patungong Hong Kong.

Gayunman dahil sa aberyang naidulot ng sumadsad na Xiamen Airlines na-delay ang biyahe.

Ayon sa mga apektadong pasahero, nag-provide naman ng hotel accommodation ang Hong Kong Air mula Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng tanghali.

Nang magbukas ang runway ng Sabado ng tanghali ay dinala na sila sa boarding area.

Gayunman, inabot na ng Linggo ng umaga ay bigo pa rin silang makasakay ng eroplano.

Ayon sa isa sa mga pasahero na si Mrs. Borinaga, sa umpisa ay sinabihan sila ng mga crew na wala pang gate na available. Sunod na dahilan ang crew legality, pagod na umano ang mga piloto at crew sa sunud-sunod na byahe kaya kailangan ng pahinga.

Dahil sa haba ng pagkaka-stranded, marami nang pasahero ang nagalit at nadismaya. Humihingi rin sila ng konkretong paliwanag mula sa mga crew na hindi rin makapagbigay ng eksaktong oras kung kailan sila makalilipad.

Ang mga pasaherong senior citizen naman ay nakaranas na ng pagkahilo at nag-request na ng wheel chair. Mayroon ding nag-nose bleed.

Mula din sa huling pagkain na ibinigay sa kanila ng Sabado ng alas 2:00 ng hapon ay hindi na sila pina-dinner at alas 4:00 na ng madaling araw ng Linggo naulit ang pagbibigay sa kanila ng pagkain.

Nanawagan ang mga pasahero sa airport authorities na tugunan ang kanilang hinaing.

Sa inilabas na latest advisory ng MIAA, wala sa listahan ang Hong Kong Air Flight 702 sa mga kanseladong biyahe gayong hindi pa rin ito nakakaalis ng NAIA hanggang sa ngayon.

Read more...