Dating UN Sec-Gen. Kofi Annan namatay na

AP

Namatay na ang dating UN Secretary-General at Nobel Peace Prize awardee na si Kofi Annan sa edad na 80.

Ang nasabing balita ay kinumpirma ng The Kofi Annan Foundation na naghayag ng matinding kalungkutan sa pamamagitan ng kanilang Twitter account.

Si Annan na ipinanganak sa Ghana noong 1938 ay naglingkod bilang ika-pitong UN Secretary-General mula taong 1997 hanggang 2006.

Isa siyang pangkaraniwang staff sa UN Headquarters noong siya ay makapagtapos ng kolehiyo at naglingkod sa nasabing tanggapan sa mahabang panahon.

Unang siyang nagtrabaho sa World Health Organization sa Geneva noong 1962.

Noong 2001 ay kinilala siya bilang isa sa mga Nobel Peace Prize winner dahil sa pagsusulong ng kapayapaan sa mundo.

Si Annan ay namatay sa hindi idinetalyeng sakit at sinasabing kasama niya ang kanyang may-bahay at tatlong anak nang siyang bawian ng buhay Sabado ng umaga.

Inilarawan ng UN si Annan bilang “global statesman” kasabay ng pagpapahatid ng pakikiramay sa kanyang mga naiwan.

“Today we mourn the loss of a great man, a leader, and a visionary,” bahagi ng pakikiramay ng UN sa pamamagitan ng kanilang Twitter account.

Read more...