Pasado alas-onse kaninang umaga ay inanunsyo ng Manila International Airport Authority (MIAA) na bukas na ang runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ay makaraan nilang ideklara na malinis na ang bahagi ng runway kung saan ay sumadsad ang eroplano ng Xiamen Air.
Inabot ng tatlumpung oras ang isinagawang clearing operation bago naalis ang eroplano at ang mga ginamit na heavy equipment sa lugar.
Sa kasalukuyan ay nasa Balagbag ramp na ang sumadsad na eroplano ng Xiamen Air para doon ituloy ang gagawing imbestigasyon sa kung ano ang dahilan at nag-overshoot ito sa NAIA runway.
Dahil sa pangyayari ay libu-libong mga pasahero na paalis at parating ng bansa ang naabala.
Muli namang humingi ng paumanhin si MIAA General Manager Ed Monreal sa nangyaring aberya at pinayuhan ang mga apektadong pasahero na makipag-ugnayan sa airline companies o tumawag sa NAIA Flight Information sa mga sumusunod na numero :
Terminal 1 (8771109 loc 765 and 2852)
Terminal 2 (8771109 loc 2882 and 2880)
Terminal 4 (8771109 loc 4226) Terminal 3 (8777888 loc 8144 and 8146)
NAIA Hotline 8771111 at maaari ring bumisita sa MIAA official FB page at Twitter account.