Inaresto ng mga otoridad ang tatlong abogado ng Times Bar sa Makati City na sinalakay kamakailan ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at nahulihan ng party drugs.
Kabilang sa mga dinakip ang mga abugadong sina Jan Vincent Sambrano Soliven, Lenie Rocel Elmido Rocha at si Romulo Bernard Bustamante Alarkon.
Abogado sila ng may-ari ng Times Bar sa Makati at dinakip dahil sa pagkuha ng mga larawan at pagdodokumento habang ginagawa ng mga pulis ang paghalughog sa bar noong Huwebes.
Sa ulat ng Makati City police, dinakip sa salang obstruction of justice ang tatlo dahil sa umano ay pag “intimidate” sa mga pulis na nagsilbi ng search warrant.
Ang tatlong abogado ay mula sa Desierto & Desierto law firm na kumakatawan sa mga may-ari ng bar.
Sa kaniyang blog, sinabi ni Diane Desierto, partner ng naturang law firm, ipinaliwanag naman ng tatlong abogado na sila ay naroroon bilang legal counsels ng may-ari ng bar at naatasang i-document ang pagbubukas sa cabinet ng mga sumalakay na pulis.
Sinabi ni Desierto na tahimik lang na nag-obserba at kumuha ng mga larawan at nag-dokumento ang kanilang mga abogado kaya hindi ito maituturing na obstruction of justice.