“I am applying for the position of Associate Justice” — Davao Judge Tejano-Ang

Nilinaw ng isa sa mga nominado para sa pagka-Punong Mahistrado na ang kanyang application ay para sa posisiyong associate justice.

Paliwanag ni Tagum City Regional Trial Court (RTC) Branch 1 Judge Virginia Tejano-Ang, dahil sa pagkakasibak kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno, inakala niyang ang bakanteng posisyon ngayon ay para sa associate justice dahil sa hanay ng mga ito pipili ng ipapalit kay Sereno.

Sa kanyang application letter na isinumite sa Supreme Court, nakasaad na nag-apply siya para sa associate justice position.

Ayon pa kay Tejano-Ang, sa kanyang edad na 65 taong gulang ay naniniwala siyang mayroon na siyang sapat na experience upang maging associate justice.

Samantala, bilang tugon sa tanong ng isang miyembro ng Judicial and Bar Council (JBC) kung kumpyansa ba siyang pipiliin siya ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagiging CJ dahil nagmula rin siya sa Davao City, ay sumagot ito at sinabing alam niyang patas ang pangulo sa kanyang mga desisyon.

Dagdag pa ni Tejano-Ang, sa pagkakakilala niya sa pangulo ay hindi siya pipiliin nito dahil lamang mula siya sa Davao City.

Read more...