August 16 isinusulong na gawing ‘Nat’l Day of Remembrance’ para mga biktima ng drug war

PDI Photo | Krixia Subingsubing

Inihain sa Senado ang isang resolusyon na layong gunitain tuwing August 16 ang pagkamatay ni Kian delos Santos at mga sinasabing biktima ng giyera kontra droga ng gobyerno.

Layon ng Senate Resolution No. 848 na inihain ni Sen. Risa Hontiveros na alalahanin tuwing August 16 ang kamatayan ni Kian delos Santos at iba pang nasawi sa drug war ng administrasyong Duterte.

Ayon kay Hontiveros, ang pag-alala sa mga nasawi ay katumbas ng pagtutol sa patayan at ang pagkalimot sa mga ito ay tila pagkunsinte sa brutal na drug war.

Hindi dapat anya hayaang mabaon sa limot ang binatilyong si Kian delos Santos at ang mga hinihinalang biktima ng extra-judicial killings (EJK).

Eksakto isang taon na kahapon nang masawi ang 17-anyos na si Delos Santos na sinasabing nanlaban sa operasyon ng mga pulis.

Samantala, isang misa para sa mga biktima ng EJK ang gaganapin ngayong araw sa San Roque Cathedral sa Caloocan sa pangunguna ni Lubhang Kagalanggalang Bishop Pablo Virgilio S. David.

Read more...