Cayetano inutusang kausapin ang China tungkol sa radio warning incident

Inutusan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano na makipag-ugnayan sa China tungkol sa pagpapaalis nito sa eroplano ng militar na lumipad sa taas ng pinag-aagawang mga teritoryo.

Ayon kay Cayetano, sinabihan siya ng pangulo na panatilihin ang diplomasya sa pakikipag-usap sa China at sabihin na mayroong mas maayos na paraan ng pag-claim sa mga teritoryo.

Dagdag pa ng kalihim, kumpyansa siyang maayos ang naturang gusot sa pagitan ng dalawang bansa.

Ayon pa kay Cayetano, hindi niya nakikita na humihina ang ugnayan ng Pilipinas at China. Sa katunayan aniya ay pagpapakita ito ng mas maayos na relasyon dahil nagiging bukas ang dalawang mga bansa sa pagtalakay sa mga bagay-bagay.

Matatandaang naglabas ng report ang international media na BBC tungkol sa tila bastos na pamamaraan ng China sa pagpapaalis sa eroplano ng Pilipinas na lumipad taas ng Spratlys sa pamamagitan ng radio warning.

Read more...