Tiniyak ng Palasyo ng Malakanyang na tuloy pa rin ang imbestigasyon ng pamahalaan kaugnay sa nadiskubre ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na P6.8 bilyong shipment ng ilegal na droga na nakalagay sa magnetic lifter.
Ito ay kahit na tahasan na ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na pawang ispekulasyon lang at wala namang laman na ilegal na droga o shabu ang magnetic lifter.
Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, marapat lang na ituloy ang imbetigasyon para mabatid kung mayroon talagang nakapasok na ilegal na droga sa bansa.
Sinabi pa ni Roque na hindi maganda na magkaroon na ng ispekulasyon sa naturang ulat lalo’t hindi pa naman ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad.
“Tuloy-tuloy iyan; dahil talagang dapat imbestigahan kung mayroon talagang nakapasok at imbestigahan talaga kung sino ang behind it. Mayroon naman pong nahuli, hindi ba? Mayroon naman talagang nahuli – so, ang pinag-uusapan lang, iyong statement kasi na possible na madami nang nakapasok. So, iyon po ang sinasabi na huwag tayong mag-speculate. At ginagamit naman po natin ang siyensiya na, para wala nang speculation,” pahayag ni Roque.
Kasabay nito, sinabi ni Roque na walang kinalaman ang pangulo sa pagliban sa trabahio ni PDEA Dir. Gen. Aaron Aquino.
Matatandaang naghain ng leave si Aquino matapos ihayag ng pangulo na ispekulasyon lang ang nadiskurebng shabu shipment sa isang warehouse sa Cavite.