Duterte, hindi maaring utusang magpa-drug test – Roque
Sinupalpal ng Palasyo ng Malakanyang ang hamon ni Senador Antonio Trillanes IV na magpa-drug test si Pangulong Rodrigo Duterte at ang kanyang pamilya.
Paliwanag ni Presidential spokesman Harry Roque, bilang pangulo ng bansa na isang halal ng bayan, walang sinuman ang maaring mag-utos sa Punong Ehekutibo na magpa-drug test.
Kung gagawin man aniya ito ng pangulo, dapat ay kusang hakbang at hindi dahil sa mando ng iilang tao.
“Hindi ko po alam kung anong sasabihin sa kaniya other than ang Presidente po ay halal ng bayan; kung gusto pong magpa-drug test ni Presidente gagawin niya, pero hindi po para utusan siya ng kahit sino,” pahayag ni Roque.
Sinabi pa ni Roque na hindi na pinapansin ng Malakanyang ang mga banat ni Trillanes sa pangulo.
Matatandaang hinamon ni Trillanes ang pangulo na magpa-drug test matapos siyang mag-negatibo sa naturang pagsusuri.
Ayon kay Trillanes, kinakailangan na masiguro ng taong bayan na ang pangunahing tagapag-kampanya kontra sa ilegal na droga ay hindi gumagamit nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.