P24M halaga ng shabu nasabat sa isang drug supplier sa Dumaguete City
Aabot sa P24 na milyon halaga ng ilegal na droga ang nasabat mula sa isang drug supplier sa Dumaguete City.
Apat na pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na dalawang kilo ang nasabat sa sari-sari store na pag-aari ng 27-anyos na si Janmark Abadilla, alyas Biboy.
Ikinasa ang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Negros Oriental Provincial Police Office (NORPPO) – Provincial Intelligence Branch-Special Operations Group (PIB-SOG), Dumaguete City Police Station, at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nakuha din mula sa suspek ang P120,000 na cash at .38 revolver pistol, at 11 mga bala.
Ayon kay PIB-SOG chief Senior Inspector Armel Von Alegria, isinagawa nila ang operasyon sa bisa ng search warrant na inilabas ni Dumaguete City executive judge Gerardo Paguio.
Matagal na aniya nilang minamanmanan si Abadilla matapos silang makatanggap ng ulat na may nagananap na transaksyon ng ilegal na droga sa tindahan ng suspek.
Natuklasan din ng mga otoridad ang pagdedeposito ng hindi bababa sa P50,000 cash ni Abadilla araw-araw sa bank account ng umano ay kaniyang “superior”.
Si Abadilla din ang sinasabing pinagkukunan ng ilegal na droga ng mga supplier ng illegal drugs sa Negros Oriental.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.