DFA-Calasiao bukas na muli ngayong araw matapos 3-araw na masuspinde ang operasyon dahil sa pagbaha
Binuksan na muli ngayong araw ng Huwebes (Aug. 16) ang operasyon ng Consular Office ng Department of Foreign Affairs sa Calasiao, Pangasinan.
Tatlong araw na isinara ang konsulada ng DFA sa Calasiao dahil sa naranasang pagbaha bunsod ng walang tigil na pag-ulan.
Sa abiso ng DFA, ang mga aplikante na mayroong kumpirmadong appointment noong August 13, 14 at 15 ay ia-accommodate araw-araw mula ngayon, August 16 hanggang sa August 31.
Maaring magtungo sa konsulada ang mga aplikanteng naapektuhan ng tatlong araw na pagsasara ng konsulada mula alas 10:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon kapag weekdays at alas 10:00 ng umaga hanggang alas 4:00 ng hapon kapag Sabado.
Pinayuhan ang mga aplikante na dalhin ang kanilang print out na confirmed online appointments kasama ang mga requirement.
Samantala, simula sa August 16 hanggang 31, lilimitahan sa 50 lamang ang tatanggaping aplikante sa courtesy lane para mabigyang-daan ang pagdagsa ng mga naapektuhan sa tatlong araw na suspendido ang operasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.