Mala-teleseryeng buhay ni Grace Poe, nakapagpataas sa kaniyang rating
Nakatulong sa pagtaas ng rating ni Senator Grace Poe ang mala-teleseryeng kwento ng buhay nito.
Sa latest na resulta ng Presidential survey na isinagawa ng Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS) naungusan na ni Poe si Vice President Jejomar Binay.
Sa panayam ng Banner Story program sa Radyo Inquirer, sinabi Political Analyst at De La Salle University Prof. Antonio Contreras na sa Pulse Asia survey makikita ang pagtaas ng simpatya kay Poe ng mga nasa class D at E o tunaguriang mga “masa”.
Naniniwala si Contreras na naka-apekto sa survey result ang lumaking isyu sa “residency” ni Poe na nauwi sa pagkaka-ungkat ng kwento ng kaniyang buhay.
“Makikita natin nakaapekto ang drama doon sa isyu ng pagiging ampon o pulot ni Senator Grace. Alam naman natin gusto ng mga tao ang mga ganyang istorya parang telenovela,” ayon kay Contreras.
Magugunitang matapos kwestyunin ni United Nationalist Alliance (UNA) Interim President Toby Tiangco ang tagal ng paninirahan ni Poe sa bansa, ay nahalungkat na rin at binuhay ang kwento ng kaniyang pagiging ampon partikular ang pagkakapulot sa kaniya sa simbahan sa Iloilo.
Samantala, kapansin-pansin naman ayon kay Contreras ang pagbaba ni Binay sa class D at E na dati-rati ay laging pumapabor sa kaniya. Pero kahit naungusan siya ni Poe, nakapagtala pa rin ng bahagyang pagtaas si Binay sa hanay naman ng mga nasa class A, B at C.
Sinabi ni Contreras na ang pinakamabuting gawin ng kampo ni Binay ay samantalahin ang pagpabor sa kaniya ngayon ng nasa class A, B at C at gawan ng paraan para makabawi sa mga nasa class D at E o ang hanay ng mga masa.
“Binay has to do a lot of recovering. I-exploit niya bakit siya umakyat sa A-B-C, at i-address niya bakit siya bumaba sa D and E,” sinabi ni Contreras.
Paliwanag ni Contreras, karamihan kasi sa masa ay nakikinig sa radyo. Madalas aniyang natatalakay sa radyo ang mga isyu ng korapsyong ipinupukol kay Binay partikular ang mga dinidinig sa Senado./Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.