Muling umapela ang Diocese of Borongan sa pamahalaan ng Estados Unidos na ibalik na sa bayan ng Balangiga, Eastern Samar ang Balangiga bells.
Ayon kay Father Neil Tenefrancia, chancellor ng Borongan diocese na nakakasakop sa parish ng Balangiga, handang makipag-cooperate ang diocese upang maibalik lamang ang naturang mga kampana.
Kabilang ang diocese of Borongan sa aktibong humihiling sa Estados Unidos na ibalik na ang Balangiga bells na kinuha ng mga Amerikanong sundalo 117 taon na ang nakararaan.
Maging si Maida Elaba na siyang kalihim ng Sangguniang Bayan ng Balangiga ay sang-ayon sa naging pahayag ng pari.
Aniya, matagal na nilang nais maibalik ang mga kampana at nais na nilang matapos ang isyu sa pamamabigat ng pagsasauli ng mga ito.
Dagdag pa ni Elaba, ang Balangiga bells ay pag-aari hindi lamang ng mga residente sa lugar kundi maging ng buong Pilipinas.
Hiling pa nito na sana ay hindi na harangin pa sa US Congress ang pagbabalik ng mga kampana.