Gobyerno hinimok na bumuo agad ng task force na tututok sa epekto ng haze
Hinimok ni House Committee on Metro Manila Development Chairman Winston Castelo ang pamahalaan na bumuo ng isang Task Force para resolbahin ang suliranin sa haze na kumakalat ngayon sa ilang parte ng bansa partikular na sa Visayas at Mindanao Region.
Ayon kay Castelo, dapat i-mobilize na ng gobyerno ang resources nito upang mapigilan o matugunan ang mga posibleng epekto ng haze lalo na kung makaabot na ito sa Metro Manila.
Pinayuhan na rin ang Department of Health, Department of Science and Technology at Department of Environment and Natural Resources na maglatag ng mga plano, at para mabigyan ng impormasyon ang publiko ukol sa contigency measures laban sa haze.
Gayunman, sinabi ni Castelo na sa pamamagitan ng task force, matututukan kung papaano dapat solusyunan ang haze at matulungan ang mga taong naaapektuhan nito.
Ayon kay Castelo, hindi dapat balewalain ang haze, dahil malaki ang maaaring idulot nito hindi lamang sa kalusugan ng mga tao kundi sa mismong ekonomiya ng bansa. Batay sa huling balita mula sa PAGASA, nararanasan pa rin ang haze sa Cebu, Bohol, General Santos, Davao City, Zamboanga City, at Puerto Prinsesa.
May naitala na ring haze sa Metro Manila kaninang umaga. Ang nasabing haze o usok ay galing sa forest fire na hanggang ngayon ay nagaganap sa bansang Indonesia.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.