Pinag-aaresto ng mga kagawad ng Bureau of Immigration (BI) ang 74 na Chinese national na ilegal na nagtitinda sa Chinatown District ng Maynila.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, nag-isyu ng mission order matapos makatanggap siya ng ulat na pagnenegosyo ng undocumented aliens sa nasabing establisyemento.
Ang mga nasabing Tsino kasama ang isang Indian national na nagpapa 5-6 ay dinampot ng mga ahente ng BI Intelligence Division sa raid na isinagawa sa 999 shopping mall sa Soler st Binondo.
Dinala ang mga suspek sa BI headquarter sa Intramuros para isailalim sa imbestigasyon at beripikasyon ng kanilang immigration status.
Alinsunod sa Philippine Immigration Act, bawal magtrabaho sa bansa ang mga foreign national na walang balidong working permit at magtayo ng tindahan na kukumpitensya sa mga negosyanteng Pilipino.
Lumabas naman sa inisyal na imbestigasyon ng BI na marami sa naaresto nilang Chinese national ay pumasok ng bansa bilang turista at overstaying na habang ang iba ay mga undocumented nang maaresto.