Maaaring mabawian ng driver’s license at ma-disbar pa ang isang babaeng driver na nasa isang viral video na nakipag-away sa mga traffic enforcer dahil sa isyu ng illegal parking.
Ayon kay Metro Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia, may reklamo na sila kalakip ang rekomendasyon sa Land Transportation Office (LTO) na i-revoke o tanggalan ng driver’s license ang naturang babaeng driver.
Ani Garcia, nakausap na niya sa Justice Secretary Menardo Guevarra dahil ang babaeng driver ay isang piskal.
Kinilala ang babaeng driver na si Christine Villamora Estepa, isang prosecutor at kasalukuyang buntis.
Batay aniya sa pangako ni Guevarra ay gagawa ng nararapat na aksyon ang Department of Justice (DOJ) laban sa driver.
Sa kanyang post naman sa Facebook, nagpapasalamat si Estepa sa lahat ng mga mensaheng kanyang natanggap, “good or bad.”
Nagpasya na rin siya na gawing private ang settings ng kanyang Facebook account makaraang makatanggap ng mga batikos mula sa netizens.
Sa viral video, mapapanood na galit na galit si Estepa sa mga traffic enforcer nang siya ay masita dahil sa illegal parking.
Hiningi ng mga MMDA personnel, pati ni Commander Jojo Nebrija ng MMDA, ang lisensya ni Estepa subalit tumanggi ito hanggang sa nagbanta na ang MMDA na i-tow ang sasakyan ng babaeng driver na binansagan ngayong “5-minute girl.”
Lalong nagtagal ang tensyon hanggang sa dumating ang mister ni Estepa na nagsabing dadalin niya sa ER ang misis bunsod umano ng stress na inabot nito dahil sa paninita ng MMDA.