Jordan Clarkson magsisilbing flag-bearer ng Pilipinas sa Asian Games

Kinumpirma ng Philippine Sports Commission (PSC) na ang Filipino-American na si Jordan Clarkson ang magsisilbing flag-bearer para sa Pilipinas sa pagbubukas ng Asian Games.

Sa Sabado, August 18 pormal na isasagawa ang opening ceremony para sa Asian Games sa Indonesia.

Sa post sa Facebook page, ipinakita ng PSC ang form kung saan mababasa na ang pangalan ni Clarkson ang nakarehistro bilang flag-bearer para sa delegasyon ng Pilipinas.

Samantala, naglabas na ng official statement ang NBA sa hinggil sa pagpayag nilang makapaglaro si Clarkson sa Asian Games.

Sa statement, sinabi ng NBA na maliban kay Clarkson na mula sa koponan ng Cleveland Cavaliers ay pinayagan din para makapaglaro sa panig ng China sina Zhou Qi ng Houston Rockets at Ding Yanyuhang ng Dallas Mavericks.

“Special exception” umano ang ibinigay sa tatlong manlalaro para maglaro sa kani-kanilang mga bansa sa Asiad.

Ayon sa NBA, sa ilalim ng kontrata nila sa mga manlalaro, maari lamang silang payagan na lumahok sa Olympics at FIBA-sanctioned events.

Pero dahil walang malinaw na kasunduan ang NBA at mga sangkot na basketball federation sa usapin sa Asian Games ay binigyan ang tatlong manlalaro ng “one time” clearance.

Read more...