Palusot ng magkapatid na Wanda Teo at Ben Tulfo hindi kinagat ni Senador Gordon

Kumbinsido si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Dick Gordon na nagkutsabahan sina dating Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo at kapatid nitong si Ben Tulfo sa multi-milyong pisong halaga ng advertisement deal sa pagitan ng Department of Tourism at PTV 4.

Sinabi ni Gordon, matapos ang pagdinig, malinaw na may katiwalian at conflict of interest sa naturang advertisement deal.

Aniya dapat ay binususi ni Teo ang detalye ng kontrata kung saan nakasaad na ang makikinabang sa kontrata ay ang programang Kilos Pronto ng kanyang mga kapatid na sina Ben at Erwin Tulfo.

Giit pa ng senador imposible rin na hindi alam ng magkapatid na Ben at Erwin na may utos si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga ahensiya ng gobyerno na maglagay ng advertisements sa government television station.

Ngunit sinabi na rin ni Gordon na naniniwala siya na walang kasalanan si Erwin at ang tanging maaring sumabit lang ay ang mag-ateng Wanda at Ben.

Dagdag pa nito, may pagkakamali din sa bahagi ng mga opisyal ng PTV-4 at aniya kung kaya naman ng istasyon na mag-produce ng programa dapat ginawa na nila ito at nasolo pa nila ang bayad ng Tourism Department.

Ayon pa sa senador maaring maharap sa kasong katiwalian ang mga sangkot sa kontrata.

Read more...