HOV traffic scheme at provincial bus ban, simula na ngayong araw

File Photo

Sisimulan na ngayong araw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang dalawang traffic scheme na layong bawasan ang bigat ng trapiko sa EDSA.

Aarangkada na ang dry run ng High Occupancy Vehicle (HOV) traffic scheme simula ngayong araw.

Sakop nito ang lahat ng lanes sa EDSA mula North Edsa sa Quezon City hanggang Magallanes sa Makati.

Sa ilalim ng scheme, bawal ang mga sasakyang drayber lamang ang sakay tuwing rush hours o mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng umaga at alas-6:00 ng gabi hanggang alas-9:00 ng gabi, Lunes hanggang Biyernes.

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, 70 porsyento ng mga sasakyan na dumadaan sa EDSA ay drayber lamang ang sakay.

Sakaling isailalim na sa full implementation ang polisiya ay pagmumultahin ang mga lalabag ng P1,000 batay sa MMDA Regulation No.18-005.

Hindi pa huhulihin ang mga motoristang lalabag ngayong dry run.

Umani ng batikos sa social media ang polisiyang ito habang nanawagan naman si Sen. Grace Poe na magsagawa muna ng public hearing bago ito ipatupad.

Samantala, ngayong araw na rin sisimulan ang provincial bus ban sa malaking bahagi ng EDSA.

Sa ilalim ng scheme ay hanggang sa Cubao na lamang pwede ang mga bus na galing sa mga lalawigan sa Hilaga ng Metro Manila habang hanggang Pasay na lang ang mga bus galing sa Timog.

Hanggang Valenzuela na lamang dapat ang mga bus na galing sa Norte ngunit hindi pa tapos ang Grand Terminal na binubuo sa Paso de Blas.

Ang mga bus companies naman na walang terminal sa Pasay ay hanggang sa Southwest Interim Provincial Terminal (SWIPT) lamang.

Iiral ang polisiya tuwing rush hours o mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng umaga at alas-6:00 ng gabi hanggang alas-9:00 ng gabi.

Ang mga lalabag sa provincial bus ban ay pagmumultahin ng P2,000 ayon kay Garcia.

Read more...