Teo: Hindi na maibabalik ang ibinayad sa Bitag

Inquirer photo

Nanindigan si dating Tourism Sec. Wanda Teo na tama ang desisyon ng kanyang kapatid na si Ben Tulfo na hindi ibalik ang pera na ibinayad sa Bitag Media Unlimited Inc. (BMUI) na siyang producer ng “Kilos Pronto” program sa PTV-4.

Sa Kilos-Pronto program inilagay ng DOT ang P60 Million ads placement fee noong si Teo pa ang pinuno ng DOT.

Ikinatwiran ni Teo na natapos na ang programa at nagastos na rin ang pera kaya saan kukunin ang isasauling pera sa pamahalaan.

Ipinaliwanag rin ni Teo na ang naging pahayag noon ng kanyang dating abogado na si Ferdinand Topacio na isasauli ng Tulfo brothers ang nasabing pera ay base lamang sa rekomendasyon ng nasabing abogado.

Sinabi naman ni Ben Tulfo sa kanyang pagharap sa Senate Blue Ribbon Committee na hindi na niya isasauli ang pera dahil mangangahulugan ito na hindi legal ang pinasok nilang kontrata sa PTV-4.

Nilinaw rin ni Tulfo na ang nasabing TV network ang naglagay sa kanila ng naturang advertisement mula sa DOT dahil may segment ang kanilang programa para sa “tourism purposes”.

Sa pagdinig ng Senado, ikinatwiran naman ni Teo na hindi niya alam na ang kanyang kapatid na si Ben ang producer at host ng Kilos-Pronto program dahil hindi umano nila ito nagpag-uusapan.

Hindi rin umano sila pwedeng pagbitangan na nagsabwatan dahil wala naman ito sa kanulang intensyon.

Sa kanyang panig, sinabi naman ni Sen. Richard Gordon na siyang pinuno ng komite na dapat ay naging mabusisi ang dating kalihim sa pagpirma sa mga kasunduan gamit ang pondo ng bayan.

Sinabi ni Gordon na hindi maiiwasang pagdudahan na pinalusot ang ads placement dahil kapatid ni Teo si Tulfo.

Sinisi rin ni Gordon ang mga opisyal ng DOT at PTV-4 dahil hindi nila naisip na may conflict of intrest sa nasabing kasunduan.

Read more...