Quarry operations sa San Mateo at Rodriguez, Rizal pinatigil ng DENR
Pinasususpinde na ng Department of environment and Natural Resources ang lahat ng quarrying operations sa mga bayan ng Rodriguez at San Mateo sa lalawigan ng Rizal.
Kasunod ito ng flash floods na naranasan sa nasabing mga lugar noong nakaraang Sabado na nagpalubog rin sa Marikina City.
Sinabi ni DENR Sec. Roy Cimatu na ipare-review rin niya ang permits ng mga quarry operators sa lalawigan ng Rizal kasabay ang paglalabas ng plano kaugnay sa pagpapalalim ng mga ilog sa nasabing mga bayan.
Hinimok rin ng kalihim ang mga nakatira malapit sa tabing ilog na magtanim ng kawayan at mangrove para maiwasan ang soil erosion.
Isinisi naman ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro sa pagkasira ng mga kagubatan ang naranasang grabeng pagbabaha sa kanilang lugar noong Sabado.
Habang isinasa-ayos ang mga ilog sinabi ni Teodoro na dapat matigil rin ang mga pagputol ng kahoy at quarry operations sa bulubunduking bahagi ng Rizal.
Hiniling rin ng opisyal sa MMDA na magtayo ng dagdag na pumping stations sa lungsod para mas mapabilis ang pag-regulate sa daloy ng tubig kapag malakas ang buhos ng ulan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.