50,000 sako ng smuggled rice nasabat ng Customs

Inquirer file photo

Kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas sa mga palengke ay nasabat naman ng Bureau of Customs ang isandaang 20-footer container vans na naglalaman ng 2,500 tonelada ng smuggled na bigas mula sa Thailand.

Ipinasilip sa media kanina ni Customs Commissioner Isidro Lapeña ang naturang mga smuggled na produkto sa Manila International Container Port o MICP.

Tinatayang aabot sa 50,000 sako ng bigas ang kontrabando na naka-consigned sa Sta. Rosa Farm Products Corporation.

Ayon kay Commissioner Lapeña, ang Sta.Rosa Farm ay may pending nang kaso sa Department of Justice dahil sa iligal na pag-import ng 200 container ng bigas nang walang kaukulang import permit.

Sa record ng Customs, dumating sa bansa ang shipment ng bigas noong June 14 at nadiskubreng walang mga import permit mula sa National Food Authority.

Noong ay July 27 ay nag-isyu ng warrant of seisure ang district collector ng BOC sa Maynila laban sa naturang rice shipment dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff act at Anti-Agricultural Smuggling Act.

Isasailalim sa pagsusuri ng NFA ang nasabat ng mga bigas at matapos nito ay inaasahang isasalang agad sa auction para mapakinabangan ng gobyerno ang kikitain dito.

Read more...